ARTICLE

Ano Ang Hangganan Ng Kalayaan?


Kung ang pagkakaintindi natin sa pagiging malaya ay nagagawa na natin ang mga gusto nating gawin sa buhay, ito nga yun. At ang kalayaan na ito ay binigay sa atin ng mga makabagong teknolohiya at mga panibagong paniniwala. 

Gusto nating matuto ng mga bagay, andyan ang Internet para mabilis natin makita ang lahat ng ating kailangan tungkol sa kahit anumang bagay. Ang pagpunta sa iba't ibang lugar, madali na lang gamit ang mga sasakyan; kahit MRT nga, napupuno man, natutulungan pa tayong mas mapabilis ang paglalakbay natin.

Noon, ang mga kabataan, bago pa lumubog ang araw, nasa bahay na. Ngayon, may mga gimikan na gabi lang nagbubukas para makapagsaya ang mga tao, at karamihan nun ay mga teenagers din. May mga bisyo na madali na rin nagagawa ng mga bata dahil na rin siguro sa impluwensya. 

Hindi pa ba ito sapat para matawag na kalayaan? Sa sobrang bukas na ng mga bagay-bagay para sa lahat, naapektuhan din ang mga bagay na dapat nating inaalagaan. Gaya ng OPM. Naging malaya din ang ating mga sariling banda at mga musikero na gumawa ng mga bagong kanta. Maraming lumabas na mga bagong talento dahil lahat ngayon, basta magtiyaga at meron kang galing, pwede nang gumawa ng sarili mong mga kanta o album. Marami ka na ring pagpipiliang mga tunog. Hindi na lang puro love song o banda. Meron na rin electronic at rap at kung anu-ano pa.

Salamat sa Internet at pag-download, marami tayong nadidiskubreng bagong musika mula sa iba't ibang bansa. Kaya dumating sila Justin Bieber, Lady Gaga, Super Junior, 2NE1 at iba pa. Nabigyan sila ng pagkakataon na marinig din sila dito. Naging bukas ang palitan ng mga tugtugan at nabibigyan din ng inspirasyon ang mga ibang gustong maging tulad nila.

At dahil nga malaya, bukas ang lahat pumili kung ano ang papakinggan at susuportahan. Malaya din tayong hindi bumili ng mga CD at mag-download na lang ng ilegal. Libre kasi.

Malaya din magbukas ng opinyon sa kahit anong paraan ngayon. Sa musika, nag-aaway na ang mga maka-K-Pop at maka-P-Pop dahil daw ginagaya nila ang mga idolo nilang Koreano at tinatawag na mga "trying hard". Sa ibang eksena naman, wala daw karapatang sumikat ang mga tipo ni Justin Bieber dahil daw isa syang batang walang alam. Mismong ang mga iba't ibang banda ay pinagaaway ng mga dahil sa kung sino ang mas magaling sa isa.

Hanggang saan ba ang hangganan nitong kalayaang ito? Dahil ba may karapatan na ang lahat na gawin ang mga bagay na iniisip nyang pribilehiyo nya ay kailangang gawin ng paulit-ulit?

Nasasamantala ang kalayaang ito. Kung nagagawa natin ito sa musika, na dapat ay nakakapagpapabuklod ng kahit sinong tao, nasaan dito ang kalayaan? Hindi dahil ang mga bagay na nabanggit ay ginagawa na ng iba, hindi pa rin ito sapat na dahilan para gawing palusot para hindi rumespeto. 

Sana ngayong Araw ng Kalayaan ay magsilbing paalala na may rason kung bakit tayo nabigyan ngayon ng malayang pananaw. Hindi para manakit o magsamantala. Ito ay para magbahagi ng kaalaman at opinyon sa mabuting paraan. Ang kalayaan ay para magsama-sama tayo at magkaintindihan. Magkaiba man ang mga pinaniniwalaan pero kung may malaya at bukas tayong isip para tanggapin ang sasabihin ng bawat isa, mas magiging payapa ang lahat.

Ngayong alam mong malaya ka, ano na ang gagawin mo? 

Comments

X

  • manginasal2

    posted 4 years ago

    amen

  • Eunice_Nicole

    posted 4 years ago

    LIke ;)

PHOTOS

VIDEOS