ARTICLE

Anong Magandang Gawin Ngayong Independence Day?


Araw Ng Kalayaan ngayon! Hindi lang tayo malaya dahil walang pasok sa araw na ito pero ngayon din natin pinagdiriwang ang paglaya ng ating bansa mula sa mga mananakop noong 1898. Ngayon ba, anong mga kalayaan ang na-e-enjoy ninyo ngayon? TV? TV na may cable? Internet? Paggimik sa labas ng bahay kahit hanggang abutin na ng umaga? Marami! At sa sobrang dami, parang hindi na nga tayo "malaya" sa dami ng ating pwedeng gawin at dapat gawin. Minsan nga, hindi pa natin sinasamantala ang kalayaang meron tayo para gumawa ng mabuti; hindi lang para sa ating sarili kundi para din sa ating bayan.

Kaya ngayon, ano kayang pwede mong gawin ngayong Independence Day para masabi mong naging makabuluhan ang araw na ito para sayo?

1. GUMAWA NG OPM PLAYLIST Simulan mong makinig sa sariling atin! Ang astig kaya ng mga kantang sinulat ng mga Pinoy. Simulan mo sa pakikinig ng "Noypi" ng Bamboo para talagang ganahan ka! Hindi lang banda ha. Dahil nga libre na ngayon magpahayag ng gusto, maraming mga bata at magagaling na mga musikerong gumagawa ng sarili nilang tugtugan ngayon! Hindi lang rock, meron ding pop, rap, electronica, at kung anu-ano pa! 

2. MAGHANAP NG BAGONG OPM ARTIST NA PAKIKINGGAN MO Madali lang yan! Pumunta ka sa mga fan page ng paborito mong artist at hanapin mo kung sino rin ang mga ni-like nilang mga musikero. Sigurado ako na magiging madali na sa'yo na magustuhan ang mga gusto nila. Kung hindi man, meron din sa YouTube o manood ka ng MYX! Lalo na sa Pinoy MYX at Pinoy Rock MYX. Hindi lang sila may fan page, meron din silang video! Iba na talaga ang musikerong Pinoy!

3. MANOOD NG MGA LIBRENG PA-CONCERT Ngayong araw na ito, maraming nagpapa-concert ng libre kasi malaya din ang mga musikerong ibahagi ang kanilang pagmamahal sa bayan gamit ang kanilang musika. Bakit nila ito ipagdadamot sa inyo di ba? Masarap pa dahil maraming tao at sari-saring tugtugan ang maririnig mo!

4. KUMAIN NG MASASARAP NA FILIPINO FOOD Wala namang pasok (O kaya naman huling hirit bago magsimula ang klase), tapos na rin ang summer at hindi mo na kailangan mag-diet. Bakit hindi mo na lang i-enjoy ang mga masasarap na Filipino food? Ano ba ang mga paborito mo? Kung matamis, may mga kakanin o kaya halo-halo. Kapag ulam, siyempre adobo! Kung maswerte ka, kumain ka ng lechon! 

5. GUMAWA NG MABUBUTING BAGAY SA MALIIT MONG PARAAN Maraming bagay ang pwede mong magawa para sa bayan. Sa simpleng pagpupulot ng kalat, malaking tulong na para sa iyong baranggay. Kung lahat kayo gagawin yun ng sabay-sabay, magiging mas malinis ang buong bansa di ba? Magsabi ka lang ng po at opo sa mga nakatatanda, gumawa ka ng simula para maging mas maayos ang pamilyang Pinoy. Sa mga gawaing ito, hindi ka lang nakatulong sa kapwa, nagsilbi ka pang inspirasyon sa ibang kabataang gaya mo!


Iba't iba na ang ibig sabihin ng pagiging malaya. Ngayon, binigyan ka ng ispesyal na pribileyhiyong gamitin ito ng tama. Sa mga simpleng suhestiyong ito, maaring makagawa ka ng pagbabago. 

Sulitin mo ang bakasyong ito para makatulong, magsaya, at makinig ng OPM, siyempre! Kung gagawin mo nga talaga ito, mabuhay ka! Mapalad ang Pilipinas na magkaroon ng isang kabataang gaya mo! At siyempre, hindi lang sa Araw ng Kalayaan nangyayari dapat ito. Sana sa araw-araw din.

Mabuhay ang Pilipinas!

Comments

X

  • eric paul

    posted 4 years ago

    barhopping! :))

  • kalibapi

    posted 4 years ago

    ok..

  • I_Am_SUPER_K

    posted 4 years ago

    magpaka bayani :))

PHOTOS

VIDEOS